Nilinaw ni Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Alexander Balutan ang mga isyu na ibinabato laban sa kanilang ahensya dahil sa nakalipas nilang Christmas Party.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Balutan, sinabi nito na 14 million pesos ang orihinal na budget ng PCSO para sa kanilang Christmas party, at tinapyasan na nila ito ng malaki upang makatipid.
Ayon kay Balutan, umabot lang sa 6 million pesos ang kabuuang gastos ng ahensya para sa kanilang Christmas Party na ginanap sa EDSA-Shangri-La Hotel noong Martes.
“Ang actual talaga dyan ay 6 million lang ang nagastos, at may Official Receipt yan. Yung 10 million na sinasabi niya (BM Sandra Cam), approved ng Board yun for Planning purposes only at may miscellaneous expenses doon na hindi nagamit,” ayon kay Balutan.
Paliwanag ni Balutan, kinailangan nila ang malaking venue para magkasya ang mahigit 1,500 empleyado ng PCSO mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sinabi pa ni Balutan na lumobo ang kita ng PCSO ngayong taon, pero nabawasan ang mga bonus ng kanilang mga empleyado dahil sa utos ng Malacanang. Bilang pinuno ng ahensya, naisip umano niya na karapat-dapat lamang matanggap ng kanilang mga empleyado ang isang masayang Christmas Party.
Dagdag pa ni Balutan, nakatipid pa ang ahensya para sa kanilang party ngayong taon, dahil kung ikukumpara sa mga nakaraang taon, mas malaki ang ginagasta ng PCSO para sa kanilang taunang Christmas Party.
“Malalaki rin po yung gastos noong nakaraang mga taon kaya nga tinapyasan pa natin yan, from 14 million, binawasan natin hanggang naging 11 million, 9 million, down to 6 million na lang,” paliwanag ni Balutan.
Handa naman umanong sumailalim sa imbestigasyon si Balutan at ang pamunuan ng PCSO kung kinakailangan dahil kumpleto naman ang kanilang mga resibo at dokumento.
0 Comments