Sa Rizal Park, bandang alas-10:30 ng umaga nang bumaba ang mga beauty queen sa bus mula sa sponsor ng tour, habang sa isang itim na luxury car naman na may sulat na “Miss Universe,” nakasakay sina Nel-Peters at Miss Universe 2016 Iris Mittenaere.
Nagsimula naman ang isang simpleng programa kung saan pinatugtog sa mabagal na tempo ang “Pilipinas Kong Mahal” habang mabagal na naglalakad ang mga beauty queen dala ang alay na bulaklak patungong monumento ng Philippine national hero na si Dr. Jose Rizal.
Nagpakuha rin sila ng litrato sa bantayog ni Rizal.
Wala namang anumang banda o pagtatanghal na sumalubong sa mga kandidata.
Matapos nito, agad silang tumungo sa Intramuros at dito ay pinagkaguluhan naman sila ng ilang estudyante at mga turistang nagkataong naroon.
Mapapansing tila nag-bonding sina Iris at Demi-Leigh habang nagpapakuha ng litrato sa Fort Santiago sa Intramuros.
Kasama sa mga namasyal sa lugar ay sina Miss Netherlands, China, Italy, USA, Great Britain, Spain, India, Korea, Singapore, Russia, China, Canada, at hindi papahuli si Miss Universe-Philippines Rachel Peters.
Samantala, simple lamang ang paghahanda ng Department of Tourism (DOT) sa pagdating ng Miss Universe beauties.
Ayon sa DOT, hindi naman kasi dignitaries itong mga bisita kaya wala nang mga honor guards para sa kanila.
Naglagay lang ang ahensya ng bulaklak o wreath at dalawang tarpaulin sa hallway malapit sa bantayog ni Gat Jose Rizal.
Gayunman, sobrang higpit ng seguridad sa area at hindi na pinapasok ang mga turistang gusto pang magpakuha ng larawan sa monumento ng pambansang bayani.
Kaunti rin ang mga taong pumunta para masilayan ang mga beauty queen.
Una nang napaulat na apat lamang na araw mananatili sa bansa ang mga beauty queen kasama ang dating Pinay Miss Universe na si Pia Wurtzbach.
Kabilang pa sa mga lugar na kanilang pupuntahan ay courtesy call kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacanang, gayundin ang charity ball, at ang pagbisita sa Bohol, Batanes, at Camiguin.
source image:DepartmentOfTourism
0 Comments