Isang 25.5 kilo na cream dory ang nahuli sa Marikina River. Para sa mga mangingisda na umaasa sa ilog, patunay daw ito na nagbubunga na ang rehabilitasyon at pangangalaga ng Marikina LGU sa ilog.



Masayang-masaya ang mga mangingisda nang makahuli ng isang 25.5 kilo na isdang “cream dory” sa Marikina River na sumasailalim sa rehabilitasyon o pagpapanumbalik sa kalinisan nito, na isinasagawa naman ng lokal na pamahalaan ng naturang lungsod, sa pamumuno ni Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro.



Kung nakahuhuli ng mga isda sa naturang ilog, nangangahulugang unti-unti na itong nalilinis. Matatandaang isa ang Marikina City sa mga lungsod sa National Capital Region o NCR na mabilis bahain, at kapag nangyari ito, ang mga dumi ay mabilis na napupunta sa naturang ilog, bukod pa sa pagtatapon dito ng basura ng ilang mga taong walang disiplina.



Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens. Karamihan sa kanila, naghahangad na sana ay pangalagaan na ng mga residente ang ilog.


“Sana ingatan nila ang Ilog Pasig, huwag magtapon ng mga basura diyan kasi sila rin naman makikinabang kapag malinis ang ilog.. hindi pa po huli sa aking mga kapwa-Pilipino na mahalin natin ang ating yamang kalikasan magkaroon lamang po tayo ng disiplina,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Sana lahat ng ilog nililinis yung iba kasi ginagawang tapunan ng basura.”

“Ito ang resulta ng paghihigpit ng kanilang lokal na pamahalaan, kaya kung tayo po ay susunod, tayo rin po ang aani ng kabutihan,” wika naman ng isa.


Noong Oktubre 2019, sinabi ni Marikina City Mayor Teodoro na wala na ang African swine fever (ASF) virus sa Marikina River, batay sa analysis ng Laguna Lake Development Authority o LLDA.

Samantala, ang cream dory naman ay isang uri ng isda na inilalarawan bilang “large-eyed, silvery, deep-bodied, laterally compressed, and roughly discoid marine fish.”

Source: Noypi Ako