Sa isang press release hinimok ni Vice President Leni Robredo ang Kongreso na suriing maigi ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ng isa pang taon ang Batas Militar sa Mindanao.
“Tiwala tayo sa AFP, tiwala po tayo sa DND (Department of National Defense)—kay Secretary [Delfin] Lorenzana—sa kanilang assessment kung ano ang kailangan para ma-secure iyong Marawi, ma-secure iyong Mindanao. Gusto po nating bigyan ng suporta. Pero iyong sa akin lang po, sana sa hearing, mapag-usapan iyong mga tanong na nasa isip nating lahat,” ayon kay Robredo.
Ayon kay Robredo kailangang mapag-usapan sa joint session ng Kongreso ang mga maaring maging epekto ng pag-extend ng Martial Law sa security concerns sa rehiyon at ang pagsasaayos muli sa siyudad ng Marawi City na nasira dahil sa bakbakan ng pwersa ng gobyerno at ng teroristang Maute-ISIS.
“Parang sa atin lang po, inaasahan natin iyong ating mga senador at mga kongresista, itatanong iyong mga nasa likod ng isip natin para klaro kung bakit kailangan, gaano katagal talaga, at ano iyong puwedeng asahan habang na-e-extend iyong martial law,” ani Robredo.
0 Comments